As part of our 45th Anniversary, we'd like to share with you these "Laking Adarna" stories. These are messages from friends of the company, beloved customers, and partners, whose lives have been impacted by our service as much as our House has grown from their support.
This third letter is from Dencel Aquino, one of Adarna House's former employees.
Mahal kong Adarna House,
Malaking bahagi ka ng buhay ko. Kung hindi ako nagkakamali, una kong nabasa ang mga kuwentong Digong Dilaw, Nang Magkakulay ang Nayon at Pilar Katerpilar sa aming paaralan noong ako ay elementarya pa lamang. Iba pa ang pangalan mo noon. Bitbit ang mga aklat (maliit na pahalang pa ang sukat) ng mga masisigasig na ahente at inalok sa aming mga estudyante sa abot-kayang halaga. Hindi ako mahilig magbasa noong bata ako pero kinagiliwan ko ang mga kuwentong nabanggit, naging interesado ako dahil sa makukulay at simpleng ilustrasyon at siyempre dahil sa simpleng paglalahad din ng kuwento.
Lumipas ang maraming taon, nang magkatrabaho na ako ay hindi ko inakala na magiging kapitbahay ka ng aming opisinang Filipino Magazin. Magmula noon, tambay na ako ng iyong showroom at bumibili ng mga aklat tuwing may okasyon para ipanregalo ko sa aking mga pamangkin, inaanak, at kaibigan. Nang magsara ang aming opisina ay nabigyan ako ng oportunidad na makapagtrabaho sa bahay mo. Kaunti pa lamang kami noon. Naranasan ko ang pagbabalot ng mga aklat tuwing maraming order, pag-iimbentaryo, at pag-iiskedyul ng delivery. Hindi lang iyun! Halos lahat ng aklat pambata ay nabasa ko. Laging handa sa sinumang magtanong. Ang pinakamasaya sa lahat ay naranasan kong maging bahagi ng pagbuo ng aklat. Ilang buwan ang ginugugol—pagpili ng kuwento, pakikipag-ugnayan sa manunulat at ilustrador, pagsisinop ng teksto, pagle-layout, paghahanda ng mga file para sa imprenta, pagtiyak na maayos ang kulay bago ang paglilimbag, pagsipat sa negatibo (hindi pa computerized noon), at iba pa--sisiguraduhing pulido ang lahat. Isang mahabang proseso ngunit nakakataba ng puso sa tuwing iaabot na ang unang kopya ng aklat na nalimbag.
Dahil sa iyo, mas lalo kong minahal ang wikang Filipino. Mas naging malay ako sa paggamit ng mga salitang Filipino. Laging nasa isip na dapat sa bawat pagbuklat ng aklat Adarna ay hindi lamang masisiyahan ang mambabasa kundi matututo sila ng mga bagong salita at wastong paggamit ng ating wika. Salamat sa iyo at nahasa akong magsalin sa Filipino. Naging mas matalas ang mga mata para siguruhing ang mga aklat ay maililimbag nang walang pagkakamali para sa mga mambabasa, sa kahit anong sulok ng Filipinas o kahit saanmang bansa. Hindi uso ang “puwede na ito”, o “sige na nga”. Dapat sigurado, dapat de-kalidad, dapat garantisado.
Laking aklat Adarna ang lahat ng inaanak at pamangkin ko. Laging aklat Adarna din ang mga anak ko, parehong lalaki, na ngayo’y 30 at 25 taong gulang. Naging bahagi rin sila sa pagtataguyod ng mga aklat Adarna. Noong sila ay maliliit pa, naging modelo sa tarpaulin ang panganay, (ginamit para sa showroom at Manila International Book Fair) at ang bunso ay naging modelo sa unang edisyon ng Si Kuya at Ako. Bitbit ko ang aking mga anak noon tuwing Sabado na may storytelling session at arts and crafts. Hindi ka malilimutan ng aking mga anak dahil sa pagbibigay mo ng pagkakataon sa akin bilang manunulat at mailimbag ang mga artikulo at kuwentong salin ng kanilang Nanay. Tuwang-tuwa sila, nagniningning ang mga mata sa paghanga tuwing nakikita ang pangalan ko sa mga aklat mo. Ang sarap sa pakiramdam! Salamat Adarna!
Masaya ang pagtira sa bahay mo na naging tahanan ko sa loob ng 11 taon. Lahat ng suporta na maaari mong ipaabot sa akin, personal man o may kaugnayan sa trabaho ay buong buhay kong ipagpapasalamat. Inalalayan mo ako mula sa pagpasok ko bilang administrative assistant, sa paglipat ko sa produksiyon at pagbubuo ng aklat, na para sa akin ang pinakamasaya at dito ko nagamit at umunlad nang husto ang aking kakayahan--hanggang sa aking huling limang taon bilang iyong tagapamahalang administratibo. Lumisan man ako sa bahay mo, iniimbitahan mo pa rin akong magsulat at magsalin, at patuloy ka pa ring sumusuporta taon-taon sa aking proyekto mula pa noong 2015 sa pamamagitan ng iyong donasyon ng mga aklat para sa mga bata na ipinamamahagi tuwing Pasko.
Tinitiyak mo na ang lahat ng nasa iyong tahanan ay hindi pababayaan, magkakaroon ng pag-unlad at aalagaan sa kahit saang aspekto. Idagdag pa rito ang layunin para sa kabutihan ng bawat batang Filipino. Kaya’t hindi nakapagtataka na umabot ka ng 45 taon! Saludo sa iyo Adarna House, umaasa akong mananatili ka pang matatag para sa susunod pang mga henerasyon. Mabuhay!
Nagmamahal na Laking Adarna,
Dencel Aquino
The story of Adarna House continues in upcoming essays. Like and follow us on Facebook and Instagram to catch the next release.