Si Al Estrella ay LAKING ADARNA

As part of our 45th Anniversary, we'd like to share with you these "Laking Adarna" stories. These are messages from friends of the company, beloved customers, and partners, whose lives have been impacted by our service as much as our House has grown from their support.

This letter is from Al Estrella, one of Adarna House's book creators

 


 

Mahal kong Adarna House,

Noong nagsisimula pa lang ako bilang guro, madalas kong inuubos ang libreng oras ko sa silid-aklatan, hindi para magpahinga, kundi para magbasa. Isa sa mga paborito kong tambayan ang estanteng puno ng aklat mula sa iyo. Minsan ginagamit ko ang mga ito sa klase, pero madalas, gusto ko lang basahin at namnamin. Habang binubuklat ko ang mga pahina, hindi ko maiwasang mangarap: balang-araw, baka sakaling makalikha rin ako ng aklat pambata na kasingganda at kasinlalim ng mga gawa mo.

Noong 2013, naalala ko pa nang una mong inalok na mag-kid test para sa A Boy Named Ibrahim. Hindi ako natanggap noon, pero hindi roon natapos ang kuwento. Ibinukas mo ang panibagong pinto at pinagkatiwalaan akong bigyang-buhay ang isang mahalagang akda: Ang Supremo. Ikaw ang unang nagbigay sa akin ng pagkakataong maging ilustrador ng kuwentong pambata. Mula sa isang proyekto ay nabuo ang isang libroserye. At mula sa unang aklat, sinundan ito ng marami pang iba.

Ang isang pangarap na akala ko noon ay malabong maabot, naging mas posible, at natupad, dahil sa iyo. Sa pamamagitan mo, naranasan ko ang maraming "una": ang aking unang libroserye, unang board book, unang National Children’s Book Award, at unang Severino Reyes Medal. Marami sa mga tagumpay ko ay nagsimula sa tiwalang ibinigay mo.

Palagi kong sinasabi sa mga panayam at pag-uusap na wala akong pormal na pag-aaral sa larangan ng paggawa ng aklat pambata. Ngunit kung babalikan ko ang naging landas ko bilang ilustrador, malinaw na malinaw na ikaw at ang Ang INK ang naging gabay at gabay-sining ko. Ang mga komentaryo, mungkahi, at direksiyon mula sa mga editor mo, kasabay ng kalayaang binibigay mo upang makapagpahayag sa sariling estilo, ay naging mahalagang bahagi ng aking paglago.

At higit pa roon, sa iyo ko rin unang nakilala at nakasama ang mga iniidolo kong ilustrador at manunulat. Hindi totoo ang kasabihang “Never meet your heroes”, dahil sa Adarna, hindi lang sila naging inspirasyon, naging kaibigan at katuwang ko pa sila sa trabaho, sa paniniwala, at sa pagmamahal sa aklat pambata. Nakakahanga na sa isang komunidad, maaaring sabay magsimula at matuto, tumawa at lumikha, kasama ang mga taong dati’y tinitingala mo lang mula sa pabalat ng libro. Starstruck is real!

Habang lumalalim ang paglalakbay ko sa larangang ito, natutunan ko ring hindi sapat na makalikha lamang ng aklat pambata at makita ang pangalan ko sa pabalat. Dapat ding maging mulat, maging mabuting ehemplo, at matutong magbigay pabalik sa komunidad. At higit sa lahat, gaya mo ay dapat isaalang-alang ang bata, bilang una sa lahat. Sila ang sentro, ang layunin, at ang tunay na inspirasyon sa bawat pahina.

Hindi lamang ito naging ugnayang propesyonal. Sa paglipas ng mga taon, napatunayan kong higit pa ito sa mga proyekto natin. Sa bawat paanyaya, workshop, launch at book signing, at salu-salo ay damang-dama ko ang pagiging bahagi ng isang tunay na komunidad. Kaya’t hindi na ako nagtaka nang may magtanong kung "exclusive" ba ako sa Adarna House—dahil sa tapat na totoo, parang tahanan na talaga kayo para sa akin.

Ngayong ika-45 taon mo, nais kong iparating ang taos-pusong pasasalamat. Salamat sa tiwala, sa mga pagkakataon, at sa patuloy na pagtanggap. Salamat sa pagbibigay halaga sa mga ilustrador, lalo na sa mga nagsisimula pa lang noon gaya ko. Salamat sa pagpapatuloy ng isang adbokasiyang malapit sa puso ko: ang pagbibigay ng mabubuting kuwento sa mga batang mambabasa.

Maligayang anibersaryo, Adarna House. Isa akong Laking Adarna at palagi akong magiging ganoon.

 

Nagmamahal,

Al Estrella

 


The story of Adarna House continues in upcoming essays. Like and follow us on Facebook and Instagram to catch the next release.

Older Post
Newer Post

Leave a comment

Close (esc)

Popup

Use this popup to embed a mailing list sign up form. Alternatively use it as a simple call to action with a link to a product or a page.

Age verification

By clicking enter you are verifying that you are old enough to consume alcohol.

Search

Shopping Cart

Your cart is currently empty.
Shop now