As part of our 45th Anniversary, we'd like to share with you these "Laking Adarna" stories. These are messages from friends of the company, beloved customers, and partners, whose lives have been impacted by our service as much as our House has grown from their support.
This letter is from Liwliwa Malabed, one of Adarna House's beloved book creators.
Bumabagal ang oras tuwing may hawak akong aklat.
Noong bata ako, naranasan ko ito sa aklat na Emang Engkantada at ang Tatlong Haragan. Ito marahil ang una kong Aklat Adarna. Dinala ako ng kuwento sa hardin ng diwata kung saan may matatayog na puno at maaamong mga hayop. Kasama ako nina Pat, Pol at Paz sa bundok ng basura na may mga dambuhalang ipis, sa disyertong napakainit at sa nayon na walang kuryente at tila mga zombie ang mga nakatira. Isa ang aklat na ito sa mga dahilan kung bakit binubulsa ko muna ang mga balat ng kendi kung walang basurahan at pinapatay ko ang bentilador kapag walang gumagamit. Hanggang ngayon, nangangarap akong magkaroon ng hardin ng mga katutubong puno at halaman.
Habang nag-aaral akong maging guro, mas marami akong nakilalang mga tauhan ng mga aklat na inilimbag ng Adarna. Pinakapaborito ko ang Magnificent Benito and His Two Front Teeth. Sa kuwentong ito, natutunan ko ang isa sa mga mahalagang kalikasan ng panitikang pambata: ang mapatawa ang mambabasa. Itinanghal ko ang kuwento ni Benito gamit ang shadow puppets sa Creative Writing class ko at sa Conspiracy Bar para naman sa isang event ng KUTING (Kuwentista ng mga Tsikiting). Ipinangalan ko pa ang isang pusa ko kay Benito at hanggang ngayon, isa si Benito sa mga paborito kong tauhan.
Nais ko ring maranasan ng aking mga estudyante ang talimuwang ng mga mahuhusay na kuwento kaya ipinakilala ko sa kanila sina Putot, Sundalong Patpat, Ching, La-on at Mrs. Magalit. Gumamit ako ng literature-based curriculum sa pagtuturo at laging nagsisimula ang umaga sa pagbabasa ng aklat. Nag-ipon ako at nag-abang ng sale upang sa pasko ay maregaluhan ang bawat mag-aaral sa aking silid-aralan ng isang Aklat Adarna.
Noong sinusulat ko ang aking MA thesis, pumili ako ng sampung Aklat Adarna na binasa ko sa mga bata upang malaman ang kanilang pananaw sa pagka-Filipino. Naging batayan ng pagpili
sa sampung aklat ang Essential Knowledge on Philippine Arts, Culture and Heritage for the Basic Education Curriculum ng NCCA at ang tatlong pamantayan ni Ceres Alabado para sa isang mahusay na picture book: substance in text, aesthetic interpretation thru illustrations and harmonious book design. Bukod sa nagtataglay ng mga katangian na ito ang mga Aklat Adarna, nakahabi rin sa bawat kuwento ang pagpapahalaga sa wika at pagmamahal sa bayan.
Naghangad akong makapagsulat din ng mga kuwento na magpapatawa sa mga bata, magpapalaya sa kanilang haraya, magpapalawak ng kanilang kamalayan at magpapa-igting ng kanilang kagustuhan na kilalanin ang kanilang sarili bilang Pilipino. Nabigyan ako ng maraming pagkakataon ng Adarna House para kumatha at makipag-ugnayan sa ibang manunulat, mga ilustrador, mga patnugot at kuwentista. Noong 2019, kabilang ako sa mga awtor na inimbitahan ng Adarna sa Palihang Kuwentong Musmos. Binago ng karanasan na ito ang proseso ko sa pag-akda at naging malinaw para sa akin ang komunidad sa likod ng bawat aklat na inilimbag. Dito nabuo ang aking mga kuwentong Sampung Eroplano at Ang Gusto ni Chabibi na binigyang buhay ng sining nina Pergy Acuña at Patricia Ramos.
Malaking bahagi ng aking pag-unlad bilang guro at manunulat ang Adarna House. At nang maging nanay ako, unti-unti akong bumuo ng aklatan para sa aking anak. Habang binabasa namin ang mga paborito kong Aklat Adarna, naramdaman ko muli ang pagbagal ng oras habang naglalakbay kami sa malalayong lugar at ibang panahon. Kakaibang saya at kilig din ang nararamdaman ko kapag nakikita ko siyang kumakatha ng sarili niyang mga kuwento.
Maligayang kaarawan at maraming salamat, Adarna House, sa 45 na taon na pagkalinga sa mga batang Pilipino. Sa mga aklat ninyo, natutunan ko na may mga responsabilidad ang manunulat: una sa mga bata, pangalawa sa wika, at pangatlo, sa bayan.
Lagi't lagi,
Liwliwa Malabed
P. S.
Magka-edad tayo! Lagi akong napapangiti kapag naaalala ko ito.
P. P. S
Dama ko ang pagpapahalaga ninyo sa sa mga manunulat at ilustrador. Isa sa mga inaaabangan ko taon-taon ay ang Adarna Christmas Party para sa mga creatives.
P. P. P. S
Katumbas ng bawat Aklat Adarna ay pag-asa para sa mga batang Pilipino <3
The story of Adarna House continues in upcoming essays. Like and follow us on Facebook and Instagram to catch the next release.