As part of our 45th Anniversary, we'd like to share with you these "Laking Adarna" stories. These are messages from friends of the company, beloved customers, and partners, whose lives have been impacted by our service as much as our House has grown from their support.
This letter is from Chuckberry Pascual, one of Adarna House's beloved book creators.
June 30, 2025
Dear Adarna House,
Lumaki ako sa isang bahay na walang babasahing pambata. Pero mahilig akong magbasa, kaya ang napapagdiskitahan ko noon ay mga tabloid, komiks, at pocketbooks na binibili ng matatanda sa bahay namin. Wala rin akong matandaang babasahing pambata na binasa noong nag-aaral ako. Nasa kolehiyo na ako noong maging malay sa panitikang pambata. May isang klase kami tungkol dito, at nakapagbasa ako ng mga akda nina Rene Villanueva, Augie Rivera, at Carla Pacis. Pinagsulat din kami ng kuwento at tulang pambata sa klaseng iyon. Pagkatapos ng semestre, binasa ko ang Anina ng mga Alon, nobelang pangkabataan ni Eugene Evasco, at umabot ako sa mga nobelang pangkabataan nina C.S. Lewis, Salman Rushdie, at iba pa. Pagkatapos din ng semestre, napunta na sa ibang bagay ang interes ko, at nakalimutan ko ang pagbabasa at pagsulat ng panitikang pambata at pangkabataan. Hanggang noong 2018, sa isang book signing, ipinakilala ako ni Vijae Alquisola kay Kata Garcia. Sabi ni Kata, subukan ko raw magpasa ng manuskrito sa Adarna House.
Na ginawa ko naman, noong kasagsagan ng pandemic. Mabigat ang panahong iyon para sa lahat, at naghahanap ako ng saysay at katarungan sa lipunan. Kasabay nito, nagluluksa ako: namatay ang pusa kong si Padma noong 2018, ang isang taong malapit sa akin noong 2019, at ang lolo ko noong 2021 dahil sa Covid. Naalala ko ang imbitasyon ni Kata (sa totoo lang, hindi ko ito nakalimutan) at sinimulan kong magsulat ng isang nobelang pangkabataan. Ito nga ang Mars, May Zombie! Malaking inspirasyon ang pandemya—hindi ito matatakasan—pero higit pa rito, nagtuon ako sa mga katangian ng panitikang pambata at pangkabataan.
Una, pinahalagahan ko ang pagkakaroon ng mambabasa. Kung dati, isinusulat ko ang gusto ko at sumusugal na lang sa kung sino ang magbabasa, sa pagkakataong ito, kinailangan kong siguruhin na maaabot ko ang magbabasa ng aking akda. Lumitaw ito sa paggamit ko ng wikang payak, at sa paglikha ng tauhang madaling makikilala ng kabataang mambabasa. Pangalawa, ang pagpili ng anyo. Mas gamay ko ang anyo ng maikling kuwento, pero sinubukan kong magsulat ng nobela. Pinili ko ito dahil nakabaon sa anyo ng maikling kuwento ang pagwawakas—sa pangalan pa lang nito, nangangako na ng pagtatapos. Pero ang nobela, laging nangangako ng pagpapatuloy: abangan ang susunod na kabanata. Para sa tulad kong nagluluksa at nasa kalagitnaan ng pagdanas sa pandemya na hindi malaman (noon) kung kailan matatapos, malaking bagay ito. Pinili ko rin ang nobela dahil pinatunayan ng Janus Silang series ni Edgar Calabia Samar na maraming kabataang mambabasa ng nobelang nasa Filipino. Sabi ko nga kay Egay, kung hindi nalikha si Janus, baka hindi lumitaw si Mars. At pangatlo, ang pagkakaroon ng positibong wakas. Bago ko isinulat ang mga nobelang Mars, umiiwas ako sa masayang wakas. Para sa akin, mas nahuhuli ng di-masayang wakas ang reyalidad. Pero sa panahon ng pandemya, napagtanto ko ang halaga ng pagsulat ng positibong wakas. Hindi para maging eskapista, kundi para maging paalala sa mambabasa—at sa akin mismo—na oo, isa tayo sa may pinakamatagal na lockdown sa buong mundo, na hindi na babalik ang mga mahal ko sa buhay kahit ilang kuwento at nobela pa ang isulat ko, pero magpapatuloy pa rin ang buhay. At sa pagpapatuloy, laging may pag-asa—na maghihilom ang sugat, na bubuti rin ang lahat. Sa mundo nina Mars, Billie, at Lola Vicky, parang walang katapusan ang pagdating ng mga zombie. Pero patuloy silang nakikipaglaban. Ganito rin ang naging pagtingin ko sa pagdadalamhati at pagluluksa. Hindi naman talaga mawawala ang dalamhati, pero matututo akong pakisamahan ito. Hindi naman talaga mawawala ang mga problema—laging may bagong handog na suliranin ang bawat araw—pero hindi ito nangangahulugan na dapat akong sumuko. Kailangan kong lumaban, kailangan kong umasa. Dahil ganoon talaga ang buhay: kanya-kanya tayo ng pinapaslang na zombie sa araw-araw.
Lumabas na ngayong taon ang ikalawa at huling nobelang Mars, ang Mars, Maraming Zombie! At umaasa ako na naiparating ko ang lahat ng ito sa mga mambabasa, lalo na sa kabataan. Masayang karanasan ang paglikha ng nobelang pangkabataan, lalo na dahil sa suporta nina Ani Almario, Eli Camacho, at Kata Garcia. Napakalaking bagay ang pag-alalay nila sa akin habang nagsusulat. Gayundin, napakalaking bagay ng likhang-sining ni Alejandro Iñigo Fadul sa paglikha ng mundo nina Mars. At siyempre, ang pinakamalaking bagay sa lahat, ang suporta ng buong Adarna House. Taos-pusong pasasalamat sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong makapagsulat para sa kabataan.
Maligayang ika-45 anibersaryo, Adarna House!
Love,
Chuck, Mars, Billie, at Lola Vicky
The story of Adarna House continues in upcoming essays. Like and follow us on Facebook and Instagram to catch the next release.